an excerpt from "Ang Paboritong Libro ni Hudas" by Bob Ong
Ibinalik na pala ang Superfriends sa TV, pero Justice League na sila ngayon. At bawas na sila. Marami nang superheroes ang nawala. Laid-off. Kung kelan mas kailangan ng mundo ng mga tagapagligtas. Hindi ko gusto ang Justice League. Lalo na ang X-Men. Solid ako sa Superfriends. Walang iwanan.
Ang alam ko kasi dati, caucasian si Green Lantern. Pero sa Justice League, African-American na siya. Ano 'yun--lokohan? Pwede bang maging itim ang dating puti? Sino ang susunod na magpapalit ng lahi at magkakakulay, si Benjamin Franklin?
Nakasama na pala sa cast si Hawkgirl. Pero nasaan si Hawkman? Inilagay na basa arrozcaldo? Kaya lang naman nagkaroon ng Hawkgirl ay dahil kay Hawkman. Sumama na ba si Hawkman kay Robin na isa pang missing in action? Sino na lang ang magbibigay ng mga bagong damit, relo, at sapatos kay Batman ngayong wala na si Robin? At sino ang nag-vote off kay Aquaman? Sino pa ang aasahan natin ngayon na magliligtas sa mga hipon na pinagsasamantalahan ng mga balyena? Nasaan na ang Wonder Twins? Ano na ang nangyari ka Apache Chief? At higit sa lahat bakit pinaalis sa grupo ang kaisa-isang Asian superhero na hindi ko nga alam ang pangalan?! Nasaan ang justice at equality doon???
Bubuo lang sila ng grupo ng mga best of the best, sablay pa! Pero kung sa bagay, mahirap nga 'yon. Dahil mismong yung mga imaginary super humans na ginawa nila ay may problema. Tignan mo: Bakit halos lahat ng lalakeng superhero e naka-tights? Bakit kailangan nila ng kapa? Bakit nasa labas ang briefs nila? At anak naman ng tiyanak, bakit hindi sila gumamit ng brief na ayos pa ang garter para hindi na nila ito sinturunan?
'Yan ang problema ng mga western superheroes na napansin yata at iniwasan ng mga Hapon nang sila naman ang gumawa ng mga kathang-isip na tagapagligtas. Sa una pa lang, inisip na nila na kung magta-trabaho ang kanilang superheroes bilang isang grupo, importanteng meron silang prescribed uniform. Pantay-pantay sila, walang magsusuot ng kapa at aastang hari tulad ni Superman. Walang may bitbit na sidekick tulad ng Robin ni Batman. Walang amoy asin tulad ni Aquaman. At walang Mr. & Mrs. na kakain ng dalawang paycheck tulad nina Hawkman at Hawkgirl.
Nung una e puro nakaitim lang at parang laging makikipaglibing ang mga Japanese superheroes, pero naisip yata nila na kakailanganin ng bawat isa ang pangalan. At magkakakila-kilala lang sila sa ilalim ng uniform at maskara (o helmet) kung meron silang palatandaan sa kasuotan. Doon nila naisip na mag-color coding: red, green, blue, yellow, at pink. Eureka! Two birds in one stone. May sarili na silang identity dahil sa kulay, may sarili pa silang pangalan. Dagdagan lang ng "noun" ang "color", superhero na sila. Halimbawa: Blue Lion, Pink Ranger, Red Star, Yellow 4, at Green Joke. Sa ganitong paraan, maiiwasan nila ang mga limitado at gasgas na pangalan na mabubuo ng salitang Super, Wonder, Mighty, Man, Woman, Girl, Boy, at Dog, na paborito naman ng mga kanlurang bansa.
Pero hindi pa tapos! Dahil di tulad ng mga puti, may value-added service lagi ang mga Hapon. Sa oras ng matinding pangangailangan, pwedeng magsama-sama ang limang superheroes para bumuo ng isang higanteng robot na kayang pumuksa ng higanteng kuto, linta, bagoong, biskwit at alikabok. Mismo. Hindi lang 'yan, dahil bago sila makipaglaban, lagi silang may formation. Haharap sila sa camera para sa ritual na group photo opportunity, parang pang-class picture. Alam na nila kung sino ang pupuwesto sa kanan, kaliwa, gitna, taas, at baba, at kung sino ang mag-ii-split, sisipa, tatalon, susuntok, at susungayan sa ulo. Systematic. Very organized. Ang nakikita ko lang na kahinaan ng Japanese superheroes e lagi silang nakaasa sa mga subtitles at voice talent na magda-dub sa mga sinasabi nila. Pero okay lang 'yun. Idol ko pa rin sila. Dahil kahit sa mga anime, mas okay ang costume nila Eugene na parang laging aattend ng rave party, kesa kila Superman na parang laging aattend ng aerobics class.
Walang-wala ang mga 'Kano sa imahinasyon ng mga Hapon. Tignan mo nalang si Astroboy. Sabihin mo-- SINO-- sa buong kasaysayan ng Amerika-- ang superhero na may machine gun sa pwet? Wala. Kung may kinalaman ito sa trauma ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig e hindi ko alam, pero sigurado akong hindi ko ipagpapalit si Astroboy sa sandosenang Justice League. Kung magiging superhero ako, gusto kong maging katulad n'ya. At kung kakapusin man ako ng lakas, papapanoorin ko lang ang mga kalaban ko ng possessed na video ni Sadako, na magiging dahilan ng kamatayan nila pagkalipas ng isang linggo!