Unti-unting gumuguho ang pader na matagal nang naghihiwalay sa akin sa tunay na mundo. Ang pader na nabuo sa loob ng matagal na panahon ay parang sandali mo lamang na tinitibag, mabilis na halos hindi ko namalayan. Tinitibag mo nga ba; mas magandang sabihin na isa-isa mong inaalis ang mga bato na bumubuo rito.
Nais ko ba ito? Hindi ko alam, ngunit malaki ang hinala ko na isa akong traydor sa aking sarili. Gumawa ako ng isang makapal na pader ngunit hindi ko ginawang matibay. Marahil ay hindi ito naging matibay dahil sa hindi ito nabuo agad. Kalahati ng aking kalooban ang nagpabagal sa pagbuo ng pader dahil sa umasa itong may magsasabi sa kanya na hindi na kailangang gumawa nito habang ang isa pang kalahati ay walang ninais kundi ang matapos ito at protektahan ako sa mga taong maaaring makasakit sa akin. Nabuo ang pader sa ganitong paraan at hindi ko inakala na may isang tao na pipiliting maghanap ng puwang sa makapal na pader na ito, kahit gaano man kaliit.
Hindi ko rin sukat akalain na may makikita ka ngang puwang sa makapal na pader na ito. Sadya nga bang may naiwan na puwang dahil sa pagkakaantala ng pagbuo nito o ginawa mo ang puwang na ito? Sa aking palagay ay ang huli ang mas posibleng nangyari, dahil isa kang ulan na dahan-dahang pinapalambot ang pundasyon at gumagawa ng mga bitak sa aking pader.Pagkatapos ay bigla kang naging malakas na ulan nang makita mo ang mga nagawa mong bitak at iyon na nga, bumigay na ang pader.
Handa na ba akong lumabas sa aking sariling mundo? Bakit ba kailangang magiba ang aking pader gayong wala naman akong problema sa aking pag-iisa? Ako ay isang prinsesa na ikinulong sa isang kastilyo at ibinigay sa akin ang lahat maliban sa karapatan na makalaya. Iniisip ko, "Aanhin ko ba ang pagiging malaya?"
Hindi ko alam kung ano ang nasa labas ng pader ng kastilyo. Ngunit giniba mo ito at inaya mo akong lumabas. Natukso mo ako. Sa ngayon, hindi ko alam ang kahihinatnan ng aking paglabas na tanging ikaw lamang ang nakaaalam.
Ano na ang mangyayari sa aking gumuhong pader? Sisirain ko na ba ito nang tuluyan upang hindi na ulit ako makabalik sa aking huwad na mundo? Hayaan ko na lang kaya ito sa kanyang kalagayan, upang madali kong mabubuo sakaling hindi ko gusto sa tunay na mundo. Isa akong duwag, kung gayon.
Para saan ang bagong angking tapang? “Para tanggapin ang mundo na sinasabi mong tunay ngunit sa katotohanan ay lalo pang mas huwad.” Niloko mo ako dahil mas makapal pang pader ang iyong ginawa upang ihiwalay mo tayong dalawa sa iba. Hindi ka nakakatuwa, dahil sa ang ginawang mong pader ay may kakayahang lamunin ang aking tinig, ang tinig ko na nagsasabing,"Bakit, bakit masakit sa damdamin ang bigay mong kasiyahan?"
Agosto 22, 2008
1:09 am
View User's Journal
Teh JOurnal of the Faithless Faith - Teh JOurnal of the Faithless Faith